Bukang-liwayway Sa Mayo

Walang naniniwalang mahal kita.

Kung iisipin, maging ikaw ayaw maniwalang mahal kita. ‘Di rin naman kita masisi. Nagmahal ako nang sobra-sobra bago ka dumating. Nagmahal hanggang mawasak, nagmahal hangga’t maubos lahat ng pag-ibig na kayang ilabas ng puso ko. Nagmahal hanggang sa hindi na ako sigurado kung kaya ko pang magmahal muli.

Sa tutuwing may kilay na tumataas sa sagot kong, “Oo, mahal ko,” para bang kailangan kong magpaliwanag. Ni minsan, hindi ko ginawa. Ni kahit sa’yo, hindi ko sinabi. Maaaring dahil ako mismo, sa mga panahong iyon, ay ayaw mag-isip.

Magiging tapat ako – noong una’y ‘di rin ako makapaniwalang mahal kita. Hindi ba’t nangako sa sarili kong siya lang ang huling mamahalin ng buo, na hanggang sa huli’y walang ibang nanaising makasama? Bakit parang mas masaya ako pag kasama kita? Bakit panatag ang puso ko sa tuwing nginingitian mo? Bakit buo ang loob kong lumaban para sa’yo?

Hinintay kong mag-isa ang bukang liwayway noong gabing una tayong nagkita. Hinding-hindi ko iyon kailanman malilimutan, hindi lamang ang dampi ng labi, ngunit maging ang tila muling pagsindi mo ng ilaw sa madilim kong pananaw sa buhay.

Bago ka dumating, kuntento na ako sa katahimika’t kadiliman. Nabuhay akong walang ipinaglalaban, umaatras, tumatangging subukan ang paglipad sa takot kong mahulog. Noong unang gabing dumating ka, walang dalang telepono, bitbit ang libro, nabuhay ang mga lihim kong pangako sa sarili. Ipinaalala mo sa akin lahat ng pwede, lahat na maaaring maging.

Hindi ito magiging oda sa kung gaano kita kamahal; ito’y isang paglalahad kung bakit ikaw ang paborito kong bukang-liwayway.

Ang pagdating ng liwanag mo sa pinakamadilim kong gabi ang hudyat ng aking muling pagkabuhay. Ibinigay mo ang katatagan, ang katapangang nakalimutang kong minsan ay naging akin. Ipinaalala mo ang rason kung bakit kailangan kong lumaban, ‘di lamang para sa sarili ko, ngunit pati na rin para sa mundo.

Isipin man nilang lahat na hindi totoo ang pagmamahal ko, o kung totoo ma’y nagmahal ako at muli na namang natalo, wala na akong pakialam. Nang sabay nating hinintay ang ating unang bukang-liwayway, aking napagtanto: hindi kailangang mangatwiran ng liwanag sa dilim.

Author: Aria Cruz

Writing my own deliverance.

Leave a comment